Tatang

si Tatang ay bayani ng nakaraang digmaang pandaigdig
kanang paa'y inalay sa bayan
sabi nila siya'y ulyanin na at di na makapagsalita
sa wari ko, siya'y nagpapanggap lamang

bandilang kupas ay isinabit sa dingding ng silid
tanda ng sugat na kailampama'y di magmamanhid

marahil madalas niyong magunita ang buhay niyo noon
ang hirap at pagtitiis ng gerilya
umaalingawngaw sa isipan niyo ang sigaw ng kapwa sundalo
Ilang buhay ba ang nakitil sa paglalaban
dimabilang

sa sagupaan kayo'y naghasik ng dugo
upang ang kapayapaa'y sumibol at tumubo
sa lupa, sa puso

Tatang Tatang alam kong alam niyo
bihag pa rin ang lupang
diniligan ng dugo
ang kapayapaa'y
nakatanim na sa puso
ngunit ang kalaban ay naririyan pa

Tatang Tatang alam kong alam niyo
di sapat ang lubu-libong baril at hukbo
patuloy ang digmaan
Iba lang ang anyo
ang kalaban ay naririyan pa