Simpleng Yaman

Ako’y milyonaryo sa buhangin
Ingat-yaman sa aplaya
Ang mansyon ko ay malawak
Kailangan pang mamangka
Mula sa sala hanggang sa kusina
Simple lang

Ako’y edukado, matalino
Nababasa ang panahon
Ako’y balediktoryan, may medalya
Sa pangingisda
Sa pagiging ama, cum laude naman
Simple lang

Simpleng yaman
Simpleng mayaman
Sa yamang ‘di matutumbasan
Ng pilak at ginto
Simple lamang
Ang magpayaman
Kabilang dito ang pagkatao

Ako’y eredero, tagapagmana
Ng lahat nang nakikita
At kung nais
Puede rito tumira
Kung kaya n’yo ang buhay-mayamang
Simple lang

Balang araw, sa pagpanaw
Pamana ko sa inyo
Ang lahat nang nakikita’y
Inyo na
Sa simpleng alaga at ingat
Tiyak, yayaman ka
Simple lang