Panganay ng Umaga

Ang panganay ng umaga'y
sumilip sa bintana
ako'y dumilat at nagulat
sa lawak ng mundo

mga burol at kabundukan
nakahanay sa abot-tanaw
bughaw na langit at kapatagan
magkasintahang nagtatagpo

lawa ilog dagat
lamig tamis alat
ulan agos alon
haplos sa pisngi ng panahon

sanlibong ulap nagliliparan
kasabay ng agila at lawin
bulong ng simoy awit ng hangin
at sigaw ng buhawi

ako'y tao lamang
taga-bigay ng pangalan
taga-sukat taga-bilang
munting butil sa sanlibutan

ang panganay ng umaga'y
sumilip sa bintana
ako'y dumilat at nagulat
sa lawak ng mundo