Batangbakal

trapik chong, kulong sa kotse
di kumikilos - dalawang oras na
batang bakal - sa ‘king bintana
bakal ang pakay - baryang pantinapay

kulay usok, kutis aspalto
mukhang desperado –
nguni’t wala na akong barya
berdeng ilaw - primera bigla
abante na chong - iisang dipa

ang kapal naman ng trapik na ito
sana’y tubuan ng pakpak ang kotse ko
batang bakal - tama na –
ubos na’ng aking barya
ang kapal naman ng trapik na ito

pulang ilaw - pinatay ko ang makina
bintana ay ibinaba - at nagsipaglapitan
mga batang bakal - kaya ko kaya
maging isa sa kanila
sa ‘sang kisap ng staplayt
sabi ko - inyo na ‘to - inabot ko ang susi
sila’y nagtawanan - at ang susi’y sinauli
impyerno'ng trapik
nguni’t may kaligtasan
sa ngiti at tawanan ng mga bata

ang kapal naman ng trapik na ito
nguni't may anghel sa tabi ng kotse ko
batang bakal – halakhak
pahiram ng ‘yong pakpak
ang kapal naman ng trapik na ito

maglaho nawa ang trapik na ito
at ang lahat ng kahirapan sa mundo
batang bakal – halakhak
pahiram ng ‘yong pakpak
ang kapal naman ng trapik na ito