Bankerohan

usok mula sa lalamunan ng bulkan
nagsasabing may nagbabaga sa sinapupunan

di mo ba maramdaman
nanginginig ang lupang inaapakan mo
ang dating di gumagalaw ngayo’y di na mapigil
di na masugpo

usok - isinilang sa impyerno’t binitiwan
sumasayaw-sayaw
naglalakbay patungong kalangitan

sinusumbong sa hangin
ang umaalsang apoy sa katimugan
taglay ang bahid na itim
bandilang isinabit sa katahimikan

di mo ba maramdaman
nanginginig ang lupang inaapakan mo
ang dating di gumagalaw ngayo’y di na mapigil
di na masugpo

usok - sakay-sakay sa hanging amihan
dala-dala’y aralin na galing pa sa kasaysayan

ang taong nagpupunyagi’y
aahon at aahon din sa kahirapan
ang taong inaapi’y
babangon at babangon din sa bukang-liwayway

ang bayang nagpupunyagi’y
aahon at aahon din sa kahirapan
ang bayang inaapi’y
babangon at babangon din sa bukang-liwayway

usok mula sa lalamunan ng bulkan
nagsasabing may nagbabaga sa sinapupunan

usok mula sa lalamunan ng bulkan
nagsasabing may nagbabaga . . .